Nasa headline ang iyong kamatayan
Eksaktong alas-kwatro y medya ng hapon
Nang ipakita ang lagim sa iyong kamatayan
Apat kayong nakahilera
Apat na malamig na bangkay sa init ng takipsilim
Ni walang kabaong o kumot
Na nakatakip sa matigas mo nang katawan
Kaya’t kitang kita….
ang iyong itim na sando;
ang sunog na balat;
ang tama ng bala sa dibdib;
ang iyong nalagot na hininga.
Siguro, kasing-init ng iyong pakikibaka
Ang balang tumagos sa iyong dibdib
Kaya ka nga pinaslang ng mga ganid na kaaway!
Ngunit maging sa kamatayan…
Nabanaag sa iyong mukha ang paglaban…
Pagka’t di ka pumayag!
…hindi ka pumayag na magpa-alipin!
Nasa headline ang iyong kamatayan
Ang pinagputaktihang kwento ng iyong pakikisangkot…
Ngunit pagkatapos ng balita…
Pagkatapos ng unos sa mga payapang pilapil,
Sa lupang tigang na dinilligan mo ng dugo..
Nandito pa rin kami., ang iyong mga naiwan
Paroon sa mga bukiring iyong naging tahanan
Ipagpapatuloy ang ating digmaan!
03-03-03
8:45Am
No comments:
Post a Comment