Thursday, August 25, 2005

Taglagas...

Nasa headline ang iyong kamatayan
Eksaktong alas-kwatro y medya ng hapon
Nang ipakita ang lagim sa iyong kamatayan
Apat kayong nakahilera

Apat na malamig na bangkay  sa init ng takipsilim

Ni walang kabaong o kumot
Na nakatakip sa matigas mo nang katawan
Kaya’t kitang kita….
ang iyong itim na sando;
ang sunog na balat;
ang tama ng bala sa dibdib;
ang iyong nalagot na hininga.
Siguro, kasing-init ng iyong pakikibaka
Ang balang tumagos sa iyong dibdib
Kaya ka nga pinaslang ng mga ganid na kaaway!
Ngunit maging sa kamatayan…
Nabanaag sa iyong mukha ang paglaban…
Pagka’t di ka pumayag!
…hindi ka pumayag na magpa-alipin!
Nasa headline ang iyong kamatayan
Ang pinagputaktihang kwento ng iyong pakikisangkot…
Ngunit pagkatapos ng balita…
Pagkatapos ng unos sa mga payapang pilapil,
Sa lupang tigang na dinilligan mo ng dugo..
Nandito pa rin kami., ang iyong mga naiwan
Paroon sa mga bukiring iyong naging tahanan
Ipagpapatuloy ang ating digmaan!
03-03-03
8:45Am

kay Nari...at sa tatlo pang kasama

Totoong tayo ay ulila ng digma.

Totoong ang bawat bihis ng realidad

Ay may tagumpay at kabiguan

Ni hindi mo na nakuhang magpaalam

Ni hindi mo na nabigyan ng huling sulyap…

ang iyong pak…

ang kasamang duguan…

ang mga gibik,

sindak,

tatag!,

ang iyong huling hininga,

at ang masang naghihintay sa iyong pagbabalik.

Ni hindi mo na narinig ang mga nabasag

na tasang pinag-inuman mo pa ng kape,

Ang paglagitik ng baril na naubusan na ng bala,

O ang paghiyaw ng paglaban na

Hindi… hindi napatid sa naiwan mong mga kasama.

Totoong pinatay ka ng digma!

Ngunit inialay mong lahat…

ang iyong napalis na ngiti,

malong na kinupas ng panahon,

“alas-nuebe” ng iyong umaga…

ang iyong buhay,

at ang lumalagablab ng pakikbaka sa iyong dibdib

puso...ningas

Puso.Gabing ikinandado ang puso.Ningas.Ningas ng apoy sa dibdib.Usok.

Pabulusok.

Aninong kumikirot.

Sa gabi ng iyong alaala.

Puso.

Ikinandado ang aking puso.

Ng kamatayang

Naglibing sa iyong umaga.

Sugat na kumakaladkad.

Patungo sa ningas.

Ningas ng apoy sa dibdib!

Ningas ng ating simulain…

Ningas…

Ng digmaan!


Tuesday, August 23, 2005

ina...

Joey,

Hayaan mong pumatak ang mga luha,baka sakaling maibsan ang bigat na nadarama. Umasa kang sa araw na ‘yun, makakayanan mo siyang iwan gaano man ito kasakit.
Hayaan mo lang; patuluin mo ang mga luhang laging naguumalpas sa tuwing naaalala mong palapit ng palapit ang araw ng inyong paghihiwalay.
Alam kong magpapakatatag ka…at alam niya kung gaano mo siya kamahal.
Marahil ay naisip mong sana’y may sapat na siyang kamalayan upang di ka niya makalimutan kahit pa magkalayo kayo. Na sana paglaki niya, matatandaan niya lahat ng minuto,oras,araw,buwan na nagkasama kayo…na sayo siya unang ngumiti,unang tumawa,unang nagsalita,unang nakadama ng iyong pagkalinga.

Sige lang,umiyak ka. Ibuhos mo ang sakit na walang kasing hapdi… pagkat sa gitna nitong panahong para ng binabayo ng punyal ang iyong dibdib,walang pagmamahal,alaga,kalinga,lambing,ngiti,haplos ang hihigit sa iyong bisig na kanyang tahanan.
Alam ko rin na marami ang kumakain sa iyong isipan.pero pinipilit mong magpakatibay. Tama yan,tibayan mo lang ang iyong loob,dahil higit kaninuman,ikaw ang mas makakatulong sa iyong sarili.
Alam kong nadudurog na ang iyong puso at halos magiba na ang iyong dibdib…na sana’y din a dumating ang araw na yun. Ngunit yun lamang ang nararapat gawin. At kahit gaano mo pa namnamin ang mga sandaling kasama mo siya,tla di pa rin nakasasapat. Ngunit kailangan mong konsolahin ang iyong sarili, alam kong alam mo na kahit magkalayo kayo hinging hindi ka niya makakalimutan…at mauunawaan ka niya pagdating ng panahon.
Alam kong gagawin mo ang lahat para sa kanya! Ang ihele siya sa iyong dibdib, na kahit maghapon mo siyang isayaw upang makatulog ay gagaawin mo,na kahit wala ka ng tulog ay babantayan mo siya sa buong magdamag..kasi nga yun lamang ang natatanging magagawa mo para sa kanya ngayon- ang paliguan siya, pakainin,alagaan,halikan,haplusin…mahalin.

Wag kang magalala, makakaya mo ang lahat pagka’t alam mong iyon lamang ang tama…at walang sinuman ang maaaring magsabi na hindi mo ginampanan ang iyong pagiging ina!


-Ang iyong sarili