Thursday, August 25, 2005
Taglagas...
kay Nari...at sa tatlo pang kasama
Totoong tayo ay ulila ng digma.
Totoong ang bawat bihis ng realidad
Ay may tagumpay at kabiguan
Ni hindi mo na nakuhang magpaalam
Ni hindi mo na nabigyan ng huling sulyap…
ang iyong pak…
ang kasamang duguan…
ang mga gibik,
sindak,
tatag!,
ang iyong huling hininga,
at ang masang naghihintay sa iyong pagbabalik.
Ni hindi mo na narinig ang mga nabasag
na tasang pinag-inuman mo pa ng kape,
Ang paglagitik ng baril na naubusan na ng bala,
O ang paghiyaw ng paglaban na
Hindi… hindi napatid sa naiwan mong mga kasama.
Totoong pinatay ka ng digma!
Ngunit inialay mong lahat…
ang iyong napalis na ngiti,
malong na kinupas ng panahon,
“alas-nuebe” ng iyong umaga…
ang iyong buhay,
puso...ningas
Pabulusok.
Aninong kumikirot.
Sa gabi ng iyong alaala.
Puso.
Ikinandado ang aking puso.
Ng kamatayang
Sugat na kumakaladkad.
Patungo sa ningas.
Ningas ng apoy sa dibdib!
Ningas ng ating simulain…
Ningas…
Ng digmaan!
Tuesday, August 23, 2005
ina...
Hayaan mong pumatak ang mga luha,baka sakaling maibsan ang bigat na nadarama. Umasa kang sa araw na ‘yun, makakayanan mo siyang iwan gaano man ito kasakit.
Hayaan mo lang; patuluin mo ang mga luhang laging naguumalpas sa tuwing naaalala mong palapit ng palapit ang araw ng inyong paghihiwalay.
Alam kong magpapakatatag ka…at alam niya kung gaano mo siya kamahal.
Marahil ay naisip mong sana’y may sapat na siyang kamalayan upang di ka niya makalimutan kahit pa magkalayo kayo. Na sana paglaki niya, matatandaan niya lahat ng minuto,oras,araw,buwan na nagkasama kayo…na sayo siya unang ngumiti,unang tumawa,unang nagsalita,unang nakadama ng iyong pagkalinga.
Sige lang,umiyak ka. Ibuhos mo ang sakit na walang kasing hapdi… pagkat sa gitna nitong panahong para ng binabayo ng punyal ang iyong dibdib,walang pagmamahal,alaga,kalinga,lambing,ngiti,haplos ang hihigit sa iyong bisig na kanyang tahanan.
Alam ko rin na marami ang kumakain sa iyong isipan.pero pinipilit mong magpakatibay. Tama yan,tibayan mo lang ang iyong loob,dahil higit kaninuman,ikaw ang mas makakatulong sa iyong sarili.
Alam kong nadudurog na ang iyong puso at halos magiba na ang iyong dibdib…na sana’y din a dumating ang araw na yun. Ngunit yun lamang ang nararapat gawin. At kahit gaano mo pa namnamin ang mga sandaling kasama mo siya,tla di pa rin nakasasapat. Ngunit kailangan mong konsolahin ang iyong sarili, alam kong alam mo na kahit magkalayo kayo hinging hindi ka niya makakalimutan…at mauunawaan ka niya pagdating ng panahon.
Alam kong gagawin mo ang lahat para sa kanya! Ang ihele siya sa iyong dibdib, na kahit maghapon mo siyang isayaw upang makatulog ay gagaawin mo,na kahit wala ka ng tulog ay babantayan mo siya sa buong magdamag..kasi nga yun lamang ang natatanging magagawa mo para sa kanya ngayon- ang paliguan siya, pakainin,alagaan,halikan,haplusin…mahalin.
Wag kang magalala, makakaya mo ang lahat pagka’t alam mong iyon lamang ang tama…at walang sinuman ang maaaring magsabi na hindi mo ginampanan ang iyong pagiging ina!
-Ang iyong sarili